fbpx

Lalaki, patay matapos saksakin ng kanyang kapatid sa Tanauan City, Batangas

Patay ang isang lalaki matapos umanong saksakin ng ‘balisong’ ng kanyang nakatatandang kapatid sa Sitio Bukid, Brgy. Balele, Tanauan City, Batangas nitong Lunes dakong alas 5:00 ng hapon December 11, 2023.

Kinilala ng Tanauan CPS, ang nasawing biktima na si alyas Eric habang ang suspek ay si alyas Ronaldo, na nasa hustong edad.

Ayon sa panayam ng BalisongNewsTeam kay PSSg Leo Leycano, bago nangyari ang insidente ay umuwi muna sa kanilang bahay ang magkapatid matapos mag-inuman sa kapitbahay kasama ang kanilang mga barkada.

Pero laking pagtataka ng kanilang kapitbahay na muling bumalik ang dalawa at doon na naganap ang mainitang komprontasyon.

Dahil dito sinaksak ng suspek ang biktima sa kaliwang dibdib gamit ang isang balisong.

Nadala pa ang biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival sa ospital.

Lumalabas din sa imbestigasyon ng pulisya, na maging ang panganay nilang kapatid ay nasasaksak na rin umano minsan ng suspek sa dibdib na kung saan kapag nalalasing ay tila may problema ito sa pag-iisip.

Matapos ang naganap na krimen, dinampot ng barangay tanod ang suspek matapos pagsabihan ng kanilang panganay na kapatid na huwag itong aalis upang ipahuli sa pulisya.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ang naturang suspek kung saan mahaharap sa kaukulang kaso.

About Author