Isang babae ang natagpuang wala nang buhay sa isang bakanteng lote sa likod ng General Cailles Memorial Hospital sa Barangay Rizal, Pakil, Laguna nitong umaga ng May 8.
Bandang alas-9:50 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang Pakil Municipal Police Station mula sa isang barangay kagawad tungkol sa insidente, dahilan para agad rumesponde ang mga awtoridad at imbestigador.
Sa paunang imbestigasyon, natagpuan ang biktima na nakahandusay sa lugar.
Inaalam na rin ng mga awtoridad ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Ayon naman kay Pakil Mayor Ronald James “Unad” Hidalgo, may primary suspect na sa krimen base sa nasuring CCTV footage.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Pakil police ang suspek habang patuloy ang mas malalim na imbestigasyon at pangangalap ng ebidensya para sa agarang pagsasampa ng kaso at paghahatid ng hustisya sa pamilya ng biktima.