Isang 19-anyos na babae na estudyante ang natagpuang wala nang buhay sa loob ng isang apartment sa Brgy. Paciano Rizal, Calamba City, Laguna noong umaga ng May 8.
Batay sa paunang imbestigasyon, napansin ng anak ng may-ari ng apartment ang bahagyang bukas na bintana ng Unit 11 habang siya ay nagtatapon ng basura bandang alas-7:30 ng umaga. Nang muli niya itong silipin, tumambad ang biktimang hindi na gumagalaw at kalaunan ay natuklasang nakabigti malapit sa bintana.
Agad na humingi ng tulong ang testigo sa mga awtoridad kaya rumesponde ang pulisya para magsagawa ng masusing imbestigasyon.
Sa initial findings, lumabas na bumisita at nagpalipas umano ng gabi ang nobyo ng biktima bago nadiskubre ang insidente. Nagkalat din ang ilang personal na gamit sa loob ng silid, pero wala namang nakitang nawawala.
Ayon pa sa pulisya, iniimbestigahan din ang impormasyon na may kondisyon umanong epilepsy ang biktima.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng kapulisan para malaman ang buong detalye ng insidente at totoong ikinasawi ng babae.