Sugatan ang isang kawani ng lokal na pamahalaan ng San Jose matapos pagbabarilin sa kanyang sasakyan sa Brgy. Calansayan, San Jose, Batangas nitong Lunes dakong alas 7:50 ng umaga.
Kinilala ng San Jose Municipal Police Station ang biktima ba si Ronald Ilao Afritado, 56 years old, isang Local Legislative Staff Officer IV, at dating konsehal ng bayan ng San Jose.
Batay sa ulat ng San Jose Municipal Police Station, habang sakay ang biktima sa kanyang SUV sa naturang lugar nang biglang barilin ng di pa kilalang suspek ang biktima ng ilang beses gamit ang hindi pa malamang kalibre ng baril.
Matapos ang krimen agad na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Lipa City.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at dinala sa ospital para magamot.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis pati na ang pagkakakilanlan ng suspek gayundin ang motibo nito sa krimen.