Nasawi ang isang 50-anyos na lalaki habang sugatan naman ang limang kalalakihan matapos ang nangyaring aksidenteng banggaan sa Barangay San Felipe, Padre Garcia, Batangas, noong Linggo, Marso 24.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Padre Garcia MPS, bandang alas-singko ng hapon, habang binabaybay ng isang 73-anyos na driver ng tricycle sakay ang tatlong kalalakihan na pasahero, at ng isang 39-anyos na driver ng mini-truck ang naturang daan patungo sana sa Padre Garcia town proper, bigla umanong umagaw ng linya ang mini-truck sa dinadaanan ng tricycle.
Dahil dito, aksidenteng na-sidesweep umano ng mini -truck ang kanang bahagi ng tricycle na nagresulta sa kawalan nito ng kontrol at pagkabangga nito sa kasalubong na Utility Van.
Dahil sa tindi ng pagkakabangga, parehong napinsala ang mga sasakyan at nagtamo ng matinding sugat ang mga drayber at pasahero.
Naisugod naman ang anim sa pagamutan, subalit idineklara na dead on arrival ang isa sa mga pasahero ng tricycle, habang ang lima ay patuloy pa rin na ginagamot.
Sa ngayon, ang insidente ay patuloy pa rin na iniimbestigahan ng mga awtoridad. | J.A Idanan – B.Channel News