fbpx

Miss Earth 2024 candidates, nag-ikot sa Batangas

Umikot ang mga nagagandahang kandidata ng Miss Earth 2024 sa probinsya ng Batangas partikular na sa unang distrito ng lalawigan ngayong Lunes, Nobyembre 4.

Sa kanilang pagtungo, ibinida ang makulay na kasaysayan at pamanang kultural ng Batangas, pangangalaga sa kalikasan at makabagong sustainable practices.

Buong pusong tinanggap naman ni Senator Loren Legarda at ng kanyang anak na si Leandro Legarda Leviste ang mga kandidata ng Miss Earth 2024 sa unang Distrito ng Batangas.

Kasama sa pagbisita ng mga kandidata ang espesyal na tour sa Calatagan Solar Farm, isang landmark na proyekto ng Solar Philippines na itinatag ni Leandro Leviste noong siya ay nasa 19 taong gulang.

Sa pagbisita sa Calatagan Solar Farm, natunghayan ng mga kandidata ang isa sa mga pangunahing proyektong renewable energy ng Pilipinas. Ang solar farm na ito ay hindi lamang nagpapailaw sa libu-libong tahanan, kundi nagbibigay din ng hanapbuhay sa mga komunidad.

Bukod pa rito, ang mga kandidata ng Miss Earth ay nakibahagi rin sa coastal cleanup sa Peninsula de Punta Fuego kahapon, isang hakbang na sumusuporta sa adbokasiya ng Miss Earth para sa pangangalaga ng kalikasan.

Photo: Miss Earth

Kabilang rin sa kanilang aktibidad ang photoshoot sa Casa Recuerdos de Taal, at pag-aaral ng sining ng pagbubordado sa Bordado ni Apolonia.

Pinaigting pa ang kanilang karanasan sa Batangas sa pamamagitan ng pagbisita sa mga makasaysayang lugar tulad ng Taal Market, mga ancestral homes nina Marcela Mariño at Felipe Agoncillo, at ang Minor Basilica of Saint Martin of Tours—ang pinakamalaking basilika sa Asya.

Binigyang-diin ni Sen. Legarda ang mahalagang papel ng Batangas sa pagpapakita ng kagandahan ng Pilipinas. Ayon sa kanya, perpektong isinasakatawan ng Batangas ang tema ng Miss Earth 2024, “Heritage,” na nagpapakita ng tatag at diwang Pilipino.

Hinimok ni Legarda ang mga kandidata na ipagpatuloy ang pagiging mga tagapagtanggol ng kultura at kalikasan. Binigyang-diin niya na ang mga kababaihan ay makapangyarihang puwersa sa lipunan na kayang magdala ng lakas ng loob at inspirasyon sa kanilang mga komunidad.

Gaganapin ang Coronation Night ng Miss Earth 2024 sa Nobyembre 9 sa Okada Manila sa Lungsod ng Parañaque. | JMP

About Author