Isang convenience store sa Sto. Tomas City, Batangas ang muling hinold-up nitong madaling araw ng Nobyembre 10, 2024.
Ayon sa report ng pulisya, bandang 4:25 AM, tumawag si alyas Ronalyn, cashier ng nasabing tindahan, sa Police Station upang i-report ang naganap na krimen.
Sa naturang ulat, dalawang lalaking suspek ang pumasok sa tindahan bandang 3:00 AM. Ang isa sa mga suspek ay nagtutok ng baril sa cashier at nagdeklara ng hold-up, saka tumakas na may dalang halagang Php200,000.00.
Sa paglalarawan sa mga suspek, ang unang lalaki ay nakasuot ng face mask, gray na jacket, gray na pantalon, at tsinelas. Ang pangalawa naman ay nakasuot ng pulang jacket, itim na pantalon, at sakay ng isang hindi natukoy na motorsiklo.
Isinasagawa na ngayon ng Sto. Tomas CCPS ang isang hot pursuit operation upang mahuli ang mga suspek at maibalik ang natangay na pera.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng mga otoridad ang kuha ng CCTV para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. | BChannel News