Dumating sa bansa ngayong Lunes, Enero 6, ang 300 Afghan nationals, kung saan kalahati ay minors, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang mga ito ay pansamantalang mananatili sa Pilipinas nang hindi lalagpas sa 59 na araw habang inaantay ang pagproseso ng kanilang Special Immigrant Visas sa US Embassy sa Manila.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, inisyuhan ang mga Afghan ng kaukulang PH entry visa at sumailalim sa full medical screening bago pumasok sa bansa.
Pansamantala silang mananatili sa isang pasilidad na pinondohan ng US government, na responsable rin sa kanilang pagkain, tirahan, medical care, at transportasyon. Nilinaw ng DFA na hindi sila ilalagay sa EDCA sites, at nasa ilalim sila ng direktang pangangasiwa ng Philippine National Police (PNP), kasama ang seguridad mula sa US government-contracted staff.
Ang mga Afghan nationals ay mga dating nagtrabaho para sa Amerika sa Afghanistan at naiwan matapos kubkubin ng Taliban ang bansa noong 2021. Siniguro ng DFA na hindi sila refugees at hindi banta sa seguridad ng Pilipinas.