fbpx

1 Patay, 1 Kritikal Matapos Mahulog sa Bubong Habang Nagtatrabaho sa Bauan, Batangas

Isang nakalulungkot na insidente ng aksidente sa trabaho ang naganap sa Brgy. Manghinao Proper, Bauan, Batangas, bandang alas-8:20 ng umaga nitong Enero 7, 2025.

Sa panayam ng BChannel NEWS kay Bauan MPS PCpl Enrique Efren Serwelas, parehong nagwe-welding ang biktima sa bubong ng Dialysis Center/Evacuation center na pagmamay-ari umano ng lokal na pamahalaan ng Bauan.

Kinilala ang mga biktima bilang sina alyas Teodorico at alyas Aley.

Ayon sa imbestigasyon ng Bauan Municipal Police Station (MPS), habang isinasagawa ng mga biktima ang kanilang trabaho, bigla umanong natanggal ang bakal na senepa na kanilang kinatatayuan, dahilan upang mahulog sila mula sa taas na humigit-kumulang 30 talampakan.

Dinala naman ang mga biktima sa Hospital. Sa kasamaang-palad, idineklarang patay si Teodorico dakong alas-8:22 ng umaga. Samantala, si Aley ay kasalukuyang sumasailalim sa operasyon at nananatiling kritikal ang kalagayan.

Sinabi rin ni Serwelas na wala umanong suot na safety gears ang mga biktima nang maganap ang aksidente.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Bauan MPS upang matukoy kung may kapabayaan sa insidente. | BChannel News

About Author