Dalawang indibidwal ang nasawi sa isang insidente ng pamamaril sa Brgy. Banyaga, Agoncillo, Batangas noong Enero 7, 2025, bandang alas-4:20 ng hapon.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Agoncillo Municipal Police Station (MPS), natagpuan ang mga biktima sa labas ng isang kubo na kapwa duguan ang ulo at katawan.
Ang dalawang biktima, na parehong wala pang pagkakakilanlan, ay nakasuot ng Orange na t-shirt, brown na short, at black-and-red na tsinelas habang ang isa ay Green na t-shirt, black na pantalon, at puting sapatos.
Sa lugar ng insidente, narekober ang isang basyo ng bala mula sa kalibre .45 at isang cellphone.
Bukod dito, isang inabandonang puting Toyota Hilux HSPU na may plate number NDQ1809, na nakarehistro sa pangalang Sherwin Reyes Ramos ng Purok Maginhawa, Bagong Sikat, Muñoz, Nueva Ecija, ang natagpuan malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sangkot sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng Agoncillo MPS upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at ang motibo ng pamamaril. | BChannel NEWS