Nadagdagan ang naitalang dugong sa baybayin ng Kalamansig, Sultan Kudarat, matapos makakita ang DENR ng anim na dugong at limang green sea turtle o pawikan noong October 21.
Ayon sa Community Environment and Natural Resources Office o CENRO Kalamansig, gumamit ng drone para mamonitor ang marine wildlife sa Poral shoreline, na sakop ang Barangay Santa Maria at Barangay Cadiz.
Mula sa isang dugong na naitala noong nakaraang semester, umakyat ito sa anim ngayong semester. Ayon sa CENRO, ipinapakita nito ang kahalagahan ng coastal waters ng Kalamansig bilang tirahan at feeding area ng marine wildlife.
Patuloy namang nangangalap ng datos ang DENR para mapalakas ang conservation programs at maprotektahan ang mga nanganganib na species.
Paalala ng ahensya, protektado ang dugong at pawikan sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Ipinagbabawal ng batas ang pananakit, panghuhuli at pagbebenta ng mga ito.
Hinihikayat ang publiko na ireport agad sa mga awtoridad ang anumang wildlife sighting, stranded na hayop o paglabag upang makatulong sa pangangalaga ng yamang-dagat.