Isang 55-anyos na lalaki, na kinilalang si alyas Lamberto, residente ng Barangay Cawongan, ang nasawi sa insidente ng pamamaril na naganap bandang alas-6:30 ng umaga nitong Miyerkules, Enero 8, sa Barangay Poblacion, Padre Garcia, Batangas.
Ayon sa ulat ng Padre Garcia Municipal Police Station (MPS), naglalakad ang biktima sa tabi ng barangay road malapit sa boundary ng Sitio Riverside nang biglang sumulpot ang isang hindi pa nakikilalang suspek sakay ng dilaw at itim na motorsiklong walang plaka. Pinaputukan ng suspek ang biktima gamit ang isang short firearm.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng Barangay Poblacion. Sa crime scene, nakarekober ang mga awtoridad ng apat na piraso ng fired cartridge cases ng caliber .45 na baril.
Namatay si alyas Lamberto sa mismong lugar ng insidente dahil sa mga tinamong tama ng bala. Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa krimen. | BChannel NEWS