Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging hamon ang pagbuo ng quorum upang talakayin ang impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Sa isang panayam kaninang umaga, ipinaliwanag ni Pangulong Marcos na papalapit na ang campaign period, dahilan upang maging abala ang mga kongresista at senador sa kani-kanilang kampanya. Dahil dito, sinabi niya na maliit ang posibilidad na magkaroon ng sapat na oras o atensyon mula sa mga mambabatas upang tugunan ang mga reklamong impeachment.
“I don’t think that now is the right time to go through that. Tutal as a practical matter, papasok na tayo sa campaign period. Wala nang congressman, wala nang senador dahil nangangampanya na sila. Hindi tayo makakapagbuo ng quorum. And so, as a practical matter, the timing is very poor,” ani ng Pangulo, binigyang-diin na mas nakatuon na ang mga mambabatas sa pangangampanya kaysa sa mga usaping tulad nito.
Samantala, sang-ayon si Pangulong Marcos sa opinyon ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile. Ayon kay Enrile, mahalagang bigyang-daan ang mandato ng Kongreso na dinggin ang impeachment complaints upang mapanatili ang integridad ng saligang batas.
Pinuri ng Pangulo si Enrile bilang isa sa pinakamagagaling na legal thinkers ng bansa.
Habang nananatiling kontrobersyal ang usapin, tila naniniwala ang Pangulo na hindi ngayon ang tamang panahon para atupagin ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.