Inihain ni Rep. Khymer Adan Olaso ng Zamboanga City 1st District sa Kamara ang House Bill 11211 o Death Penalty for Corruption Act na naglalayong patawan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad ang mga opisyal ng pamahalaan na mapapatunayang nagkasala sa graft and corruption, malversation of public funds, at plunder.
Sakop ng panukalang batas ang lahat ng opisyal mula Pangulo hanggang barangay, kabilang ang mga nasa Ehekutibo, Lehislatura, Hudikatura, constitutional commissions, GOCCs, AFP, at PNP.
Tiniyak ang due process at proteksyon sa mga akusado, kabilang ang posibilidad ng pag-akyat ng kaso sa Korte Suprema para sa review. Ayon sa panukala, layon nitong labanan ang kurapsyon na patuloy na nagpapahina sa ekonomiya, politika, at tiwala ng publiko.
Sa pag-apruba ng panukala, magpapadala umano ito ng malinaw na mensahe na seryoso ang Kongreso sa pagpapapanagot sa mga opisyal na sangkot sa katiwalian.