fbpx

Lalaking nagmamaneho ng tricycle, Patay nang barilin sa ulo sa Batangas City

Patay ang isang lalaki matapos barilin sa ulo habang nagmamaneho ng tricycle sa Purok 6, Barangay Paharang Silangan, Batangas City, dakong alas-2:45 ng hapon nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima na si Catalino Caguite, residente ng Barangay Bilogo, Batangas City.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Batangas City Police, dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang itim na motorsiklo ang responsable sa krimen.

Pinaputukan nila ang biktima habang sakay ng kanyang tricycle, na noo’y may apat na pasaherong estudyante.

Tinamaan sa ulo si Caguite ng bala mula sa hindi pa natutukoy na kalibre ng baril, na agad niyang ikinasawi. Dahil dito, nawalan ng kontrol ang tricycle at sumalpok sa isang halamanan, kung saan sugatan ang dalawang estudyanteng pasahero.

Ayon sa mga saksi, ang mga suspek ay parehong naka-itim na helmet. Ang drayber ng motorsiklo ay nakasuot ng puting t-shirt, habang ang kanyang back rider ay may suot na light brown na t-shirt at pantalon. Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Taysan, Batangas.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang posibleng motibo sa krimen.

About Author