Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) Calabarzon ang isang kandidato para sa konsehal ng Taysan, Batangas at tatlo pa nitong kasabwat sa pagbebenta ng smuggled na sigarilyo sa lalawigan.

Ayon sa NBI Calabarzon, matagumpay na isinagawa ng Batangas District Office (BatDO) ang entrapment operation noong Pebrero 4 sa bayan ng Rosario matapos makumpirma ang ilegal na kalakalan ng sigarilyong ipinuslit sa bansa.
Naaresto ang mga suspek matapos subukang ibenta ang 45 master cases ng smuggled na sigarilyo—katumbas ng 22,500 pakete—sa halagang P900,000.00.
Kinilala ng NBI CALABARZON ang mga naaresto bilang si Rollie Panganiban delos Reyes, residente ng Sitio Nagkulayen, Bgy. Pag-asa, Taysan, na tumatakbo bilang konsehal sa bayan ng Taysan; kasama sina Leody Untalan Buisan ng Sitio Bungad, Bgy. Tilambo, Taysan; John Joven Dapoc Almeron ng Sitio Niyugan, Bgy. Sapangan, San Juan; at Jeffrey Mendoza Sulit ng Sitio Lukeya, Bgy. Hugom, San Juan.
Nahuli ang mga suspek nang dumating sila sa napagkasunduang tagpuan sa Bgy. Namuko, Rosario sakay ng isang puting utility van kung saan nakalagay ang kanilang ilegal na paninda.
Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 12022 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2024, ayon kay Ramos. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang iba pang posibleng kasabwat sa ilegal na operasyon. | BChannel NEWS