Isa ang nasawi habang dalawa ang sugatan sa isang matinding aksidente sa Don Mariano Santos Avenue, Brgy. San Isidro, Angono, Rizal, dakong alas-2:00 ng hapon nitong Pebrero 12.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Angono Municipal Police Station (MPS), nawalan umano ng preno ang isang truck habang pababa patungong Manila East Road, dahilan upang mabangga nito ang isang motorsiklo na bumabaybay sa paakyat na bahagi ng kalsada. Dahil sa lakas ng impact, nadamay din ang isa pang motorsiklo na kasunod ng unang biktima.
Kinilala ang nasawi bilang si alyas Eduardo, 61 anyos, na nagtamo ng malulubhang sugat sa ulo at katawan. Samantala, sugatan din ang driver ng isa pang motorsiklo na si alyas Michael, 29 anyos, at ang kanyang angkas na si alyas Madel, 30 anyos.
Rumisponde sa lugar ang mga tauhan ng Angono MPS na sina Pat. Rafael Egipto at Pat. Jobert De Leon, kasama ang MDDRMO Rescue Team. Isinugod ang mga biktima sa Rizal Provincial Hospital, ngunit idineklarang patay si Eduardo dakong alas-4:02 ng hapon.
Samantala, inaresto ang driver ng truck na si alyas Randy, 48 anyos, at kasalukuyang nakadetine habang inihahanda ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Multiple Physical Injury, and Damage to Property laban sa kanya.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang detalye ng insidente. | BChannel NEWS