Isang 15-anyos na binatilyo ang sugatan matapos siyang barilin ng isang lalaki sa Brgy. Halayhayin, Siniloan, Laguna nitong Miyerkules ng gabi, Pebrero 26.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Siniloan Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente bandang alas-10 ng gabi habang pauwi ang biktima kasama ang kanyang ama at madrasta.
Sa kanilang paglalakad, nasalubong nila ang aso ng suspek na si Don Don, na tinangkang kagatin ang biktima. Dahil dito, binato ng ama ng biktima ang aso upang mapaalis ito.
Nakita umano ito ng suspek, na agad na bumunot ng baril at binaril ang biktima sa kanang bahagi ng katawan.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman ng mga kaanak ang biktima sa Hospital para sa agarang lunas.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad upang mahuli ang suspek, ngunit ito ay nananatiling at large.
Kasalukuyang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong Frustrated Homicide laban sa suspek sa tanggapan ng piskalya. | BChannel NEWS