Mainit ang naging pagsalubong ng mga Lipeño sa pagbisita ni Sen. Francis Tolentino sa Lipa City, Batangas nitong Miyerkules (February 26, 2025).

Sa kanyang pagbisita, nagsagawa ng pagpupulong si Sen. Tolentino kung saan nakipag-diyalogo ito sa 69 na Barangay Captain na dumalo mula sa nasabing Lungsod.
Ilan sa mga pangunahing tinatalakay ni Sen. Tolentino ang pagpapaliban ng Barangay Election ngayong taon. Ani niya, pinal na umano ang desisyon ng Kongreso hinggil sa postponement at nakatakda itong ituloy sa September 2027.

Ibinahagi rin niya ang pag-apruba sa Magna Carta of Public Health Workers kung saan layunin nitong bigyan ng honorarium ang mga BHWs na nagserbisyo noong panahon ng pandemya mula sa Department of Health (DOH).
Bukod dito, isinusulong ngayon ni Sen. Tolentino ang bagong batas na naglalayong mabigayan ng 20% diskwento sa load ang mga estudyante para sa kanilang digital communication at internet services o ang ” Student Load Discount Act.”

Saklaw ng nasabing batas ang mga estudyante mula Elementary hanggang Highschool, Technical-Vocational, at mga Kolehiyo. Samantala, hindi naman kwalipikado sa naturang panukala ang mga post-graduate students.
Ang kanyang pagbisita sa lungsod ng Lipa ay bahagi ng kanyang kampanya para sa darating na eleksyon.
Samantala, hiling ni Senator Re-electionist Francis Tolentino ang suporta ng mga Lipeño sa kanyang muling pagtakbo sa halalan 2025.
|BChannel NEWS | DR