Isang lalaking 24-anyos ang sugatan matapos masaksak sa isang inuman sa Barangay District 4, Balayan, Batangas noong gabi ng Marso 14, 2025.
Ayon sa imbestigasyon ng Balayan Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng tawag mula kay Barangay Kagawad Jaime Plata bandang alas-9:20 ng gabi, na nag-ulat ng insidente ng pananaksak sa kanilang lugar. Agad namang rumesponde ang mga awtoridad upang beripikahin ang insidente at magsagawa ng imbestigasyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, natuklasan na ang biktima na kinilalang si alyas JR, 24-anyos, butcher at residente ng nasabing barangay, ay nakipag-inuman kasama ang suspek at dalawa pang iba. Gayunman, sa kalagitnaan ng kanilang kasiyahan, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng biktima at ng suspek na si alyas Edwin, 47-anyos, jobless, at residente rin ng Barangay District 4.
Ayon sa pahayag ng biktima, paalis na sana siya nang bigla siyang habulin ng suspek at sinubukang saksakin. Sinubukan niyang umatras upang umiwas, ngunit tinamaan pa rin siya ng patalim sa tiyan. Matapos ang insidente, agad siyang isinugod sa Hospital upang malapatan ng lunas.
Samantala, mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pananaksak at kasalukuyan pa ring tinutugis ng mga awtoridad. Mahaharap naman ito sa kasong Frustrated Homicide.
Patuloy na nagsasagawa ng manhunt operation ang Balayan MPS upang madakip ang suspek. | BChannel NEWS