Isang 34-anyos na lalaki ang nagtamo ng matinding sugat matapos pagtatagain ng isang 44-anyos na lalaki sa Brgy. Buck Estate, Alfonso, Cavite, bandang alas-10:30 ng gabi noong Sabado.
Sa paunang imbestigasyon ng Alfonso Police, lumalabas na nagpunta ang suspek, na nakilalang si Felix, sa isang sari-sari store kung saan nag-iinuman ang biktimang si alyas Jonnei.
Pinakiusapan umano ng suspek ang grupo ng biktima na hinaan ang ingay, subalit nauwi ito sa mainitang pagtatalo. Sa kasagsagan ng alitan, biglang hinugot ng suspek ang isang bolo at inatake ang biktima.
Nagtamo ng malalalim na sugat ang biktima sa kaliwang sentido, na umabot hanggang sa kanyang tainga, pati na rin sa kanang bahagi ng kanyang likod. Isinugod naman ng MDRRMO sa Ospital ang biktima para sa agarang lunas.
Samantala, naaresto ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya. Patuloy namang iniimbestigahan ang naturang insidente. | BChannel NEWS