Pitong magkahiwalay na buy-bust operations ang isinagawa ng pulisya sa iba’t ibang bayan ng Batangas nitong Marso 14, na nagresulta sa pagkakaaresto ng siyam na suspek at pagkakumpiska ng iligal na droga.
Sa Taal, Batangas, dalawang operasyon ang naganap sa Brgy. Zone 4 at Brgy. Zone 11, kung saan nahuli sina Joseph at Allan, kapwa street-level individuals. Nakumpiska ang kabuuang 3.92 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P26,656.00 at buy-bust money.
Sa Cuenca, isang high-value individual na si Larry ang naaresto sa Brgy. 7 matapos makuha ang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon, buy-bust money, digital weighing scale, at cellphone.
Sa Batangas City, si Jose ay nahuli sa Brgy. Cuta na may dalang 1 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800.00.
Sa Agoncillo, si Norman ay naaresto sa Brgy. Bagong Sikat matapos makuha ang 1.4 gramo ng shabu na may halagang P9,520.00.
Sa San Jose, si Mel ay hinuli sa Brgy. Palanca matapos makuhanan ng 0.40 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2,720.00.
Sa Tanauan City, sina Benedick at Dennis ay naaresto sa Brgy. Bagumbayan na may dalang 0.20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,360.00.
Lahat ng operasyon ay isinagawa sa ilalim ng koordinasyon ng PDEA at ginamitan ng recording devices para sa transparency. Ang mga nahuling suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | BChannel NEWS