Aabot sa 9 na katao ang inaresto sa isinagawang anti-illegal drug operations sa iba’t ibang bayan sa Batangas noong Marso 24-25, 2025, kung saan ilang street-level individuals ang naaresto at droga ang nakumpiska, ayon sa Regional Police Office 4A.
Sa Bauan, Batangas, nahuli si Arwin sa isang buy-bust operation sa Brgy. Aplaya, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 0.22 gramo ng hinihinalang shb na nagkakahalaga ng P1,496. Sa Brgy. Poblacion 2, isa pang operasyon ang isinagawa, kung saan nadakip si Gerry at nakuhanan ng 0.15 gramo ng shb na nagkakahalaga ng P1,020.
Sa Padre Garcia, isinilbi ang isang search warrant sa bahay ni Marilyn sa Brgy. Poblacion, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng isang kalibre .45 baril, apat na bala, at 0.5 gramo ng hinihinalang shb na nagkakahalaga ng P3,400.
Sa Batangas City, sa Brgy. Gulod Labac, buy-bust operation ang isinagawa kung saan nahuli sina Analyn at June at nakumpiska ang 0.38 gramo ng shb na nagkakahalaga ng P2,584. Sa Brgy. Tabangao Ambulong, nahuli rin si Ronnie na may dalang 1.15 gramo ng shabu na may halagang P7,820.
Sa Tanauan City, buy-bust operation din ang isinagawa sa Brgy. Bañadero, kung saan nahuli si Ryan at nakumpiskahan ng 0.30 gramo ng shb na may halagang P2,040.
Sa Malvar, sunod-sunod ang operasyon sa Brgy. Poblacion. Unang nahuli si “Kapitan” na may dalang 0.37 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2,516 at isang motorsiklo. Kasunod nito, naaresto si Joselito na may 0.68 gramo ng shb na nagkakahalaga ng P4,624.
Lahat ng operasyon ay isinagawa sa ilalim ng koordinasyon ng PDEA at barangay officials. Ang mga nahuling suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at mahaharap sa kaukulang kaso. | BChannel NEWS