Isang insidente ng pagnanakaw ang naganap sa isang Café sa Brgy. Kumintang Ilaya, Batangas City, bandang 1:52 AM ng Marso 31, 2025.
Nahuli ang suspek sa follow-up operation ng Batangas City Component Police Station (CCPS), kung saan nadiskubre ring may dala itong hinihinalang shabu.
Ayon sa paunang imbestigasyon, sapilitang binuksan ng suspek ang bintana ng café. Tinangay nito ang halagang P5,000, isang coffee grinder na nagkakahalaga ng P2,500, dalawang bote ng Nutella chocolate (3L at 500g) na nagkakahalaga ng P2,000, isang blender na P2,000, at isang portable speaker na may mikropono na nagkakahalaga ng P1,500.
Sa isinagawang follow-up operation ng Batangas CCPS Intel Operatives, naaresto ang suspek na kinilala bilang “Alias Fivi,” 39, isang negosyante mula Brgy. Kumintang Ibaba, Batangas City.
Nang kapkapan, nakuha mula sa kanya ang isang transparent plastic sachet na may 0.15 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P1,020. Itinago ito sa loob ng isang sigarilyo.
Kasalukuyang inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek sa Batangas City Prosecutor’s Office. | BChannel NEWS