Tatlong barangay leader sa Cabuyao City ang nakatanggap ng mga parcel na may kasamang banta kaugnay ng umano’y pamimigay ng QR code para sa vote-buying.
Ayon sa ulat ng Cabuyao City Police Station (CCPS), natanggap ng mga biktima ang mga parcel sa kanilang mga tahanan sa pagitan ng 7:00 PM hanggang 7:40 PM noong Marso 28, 2025. Kabilang sa mga tumanggap ng banta sina Alma Ceñido (46), Raquel Barbosa (44), at Emilio Cantalejo (51), na pawang mga barangay leader sa lungsod.
Sa isinagawang paunang imbestigasyon, natuklasan na ang mga parcel ay nakabalot sa JNT sealed plastic bag na may pangalan ng sender at receiver. Nang kanilang buksan, nakita ang isang pakete ng cleansing wipes at bond paper na may nakasulat na pagbabanta:
“Tigilan mo na yang pamimigay mo ng QR-Code pamimili ng boto. Hindi maganda yan, makakasama yan sa’yo at sa pamilya mo. WAG MU NANG SUBUKAN PA, KUNG MAHAL MO PAMILYA MO.”
Ayon sa pulisya, ang mga parcel ay nagmula umano sa isang nagngangalang “Leif Opiña.” Inihain ng mga biktima ang kanilang reklamo sa Cabuyao CPS bandang 4:15 PM noong Marso 31, 2025.
Patuloy ang masusing imbestigasyon upang alamin ang tunay na pinagmulan ng mga parcel at matukoy ang nasa likod ng pagbabanta. | BChannel NEWS