Isang lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin sa loob mismo ng isang bahay sa Calamba City, Laguna madaling araw ng April 12.
Ayon sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente bandang ala-1:30 ng umaga sa Barangay Punta.
Batay sa salaysay ng live-in partner ng biktima, matagal na silang hiwalay ni William bago ang insidente. Sa mismong gabi, nasa loob umano ng bahay ang suspek na si Marvin, na itinuturing umanong bisita ng live-in partner na si Maria. Pagdating ng biktima, sinundan ito ni Maria sa kwarto upang pigilan, pero pagpasok nila at makita ang suspek, bigla na lang umanong nagpaputok ng baril ang suspek nang walang malinaw na dahilan.
Matapos ang pamamaril, agad tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng barangay hall at hanggang ngayon ay pinaghahanap pa ng mga awtoridad.
Dinala pa sa ospital ang biktima na si William pero idineklarang dead on arrival bandang 5:04 AM.
Sa isinagawang imbestigasyon, nakita ang mga kaguluhan sa loob ng bahay. Patuloy rin ang follow-up investigation, kabilang ang autopsy sa katawan ng biktima.
Habang nagpapatuloy ang manhunt operation, iniimbestigahan na rin ang tunay na motibo sa likod ng pamamaril.