Humingi ng tulong si Education Secretary Sonny Angara sa Quezon City Police District (QCPD) kaugnay ng insidente ng bullying sa Bagong Silangan High School, kung saan makikita sa isang viral video ang pambubugbog ng ilang estudyante sa kanilang kamag-aral sa loob ng silid-aralan.
Sa liham na ipinadala kay QCPD Director Brig. Gen. Melecio Buslig Jr., iginiit ni Angara ang kahalagahan ng agarang aksyon, dahil sangkot dito ang mga menor de edad at nangangailangan ng maingat at propesyonal na paghawak.
Inatasan na ng Department of Education (DepEd) ang paaralan na bilisan ang imbestigasyon at bigyang suporta ang mga apektadong mag-aaral. Hiniling din ni Angara ang pakikipagtulungan ng PNP Women and Children Protection Desk at DepEd’s Learner Rights and Protection Office (LRPO) upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata.
Nangako ang DepEd na agad tatapusin ang imbestigasyon at sisiguraduhin ang pagpapatupad ng mga hakbang laban sa bullying. | BChannel NEWS