Opens in a new tab
Skip to content
National

Boluntaryong pag-aambag sa P19.66-trillion utang ng Pinas, iminungkahi ni Cayetano

Umaabot na sa P19.66 trillion ang utang ng national government hanggang third quarter ng 2026, kaya iminungkahi ni Senator Alan Peter Cayetano na magkaroon ng paraan para makapagbigay ng voluntary contributions ang mga Pilipinong gustong tumulong sa pagbabayad nito.

Sa kanyang pagtaya, katumbas ng P170,598.03 ang bahagi ng bawat Pilipino kung hahatiin ang utang sa populasyon na 114.93 million.

Inilahad niya ito sa deliberasyon ng panukalang P7.2-trillion national budget para sa 2027. Tinanong din niya kung saan maaaring magbayad ang mga gustong magbigay ng kanilang kontribusyon.

Sinabi naman ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na wala pang mekanismo para rito at ang pinakamalaking maitutulong ng publiko ay ang tamang pagbabayad ng buwis.

Bilang halimbawa, binanggit ni Cayetano ang South Korea kung saan nag-donate ng kanilang mga alahas ang ilang mamamayan upang makatulong sa bansa noong panahon ng financial crisis.

Gayunman, iginiit niyang kailangang tiyakin muna ang maayos na paggamit ng government budget at foreign loans para magkaroon ng tiwala ang mga magbibigay.

Nagbigay naman ng reaksiyon si PCO Usec. Claire Castro at sinabing magandang makita kung ang senador mismo ang unang magsisimula ng naturang kontribusyon.