Isusulong ang pagkilala sa mga babaeng Pilipinong may malaking ambag sa kasaysayan sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang museo at pagsasama ng kanilang mga kuwento sa school curriculum.
Ito ang layunin ng dalawang panukalang batas na inihain ni Senator Loren Legarda, ang Senate Bill No. 2608 o Museum of Filipino Women Act at Senate Bill No. 2609 o Lakambini Act of 2026.
Sa ilalim ng unang panukala, itatatag sa National Museum of the Philippines ang Museo ng Kababaihang Pilipino na magpapakita ng mga kuwento ng mga babaeng bayani, lider, guro, manggagawa, magsasaka, siyentista at iba pang nag-ambag sa bansa.
Magkakaroon ito ng permanent, traveling at digital exhibitions. Libre rin ang pagpasok sa regular exhibits at paggamit ng mga digital materials na bukas sa publiko.
Samantala, sa ikalawang panukala, isasama sa existing subjects sa public at private schools ang kasaysayan at mga nagawa ng kababaihan. Hindi na kailangang magdagdag ng bagong asignatura.
DepEd ang gagawa ng teaching materials para sa basic education, habang CHED naman ang maghahanda ng guidelines para sa colleges at universities.
Ayon kay Legarda, layunin nitong makilala ng mga kabataan ang mga babaeng naging bahagi ng paghubog sa bansa, kabilang ang mga katutubo, Moro, at mga babaeng hindi gaanong nabibigyan ng puwang sa mga aklat ng kasaysayan.