Isang lalaki ang pinagbabaril sa Super Shuttle Yard sa Purok 3, Brgy. Bolbok, Batangas City, dakong alas-11:00 ng gabi nitong Miyerkules, Abril 9.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Batangas City Police Station, bigla na lamang sumulpot ang suspek na si Raymundo sa barracks ng biktimang si Loreto.
Walang malinaw na dahilan, agad na pinaputukan ng suspek ang biktima ng ilang ulit na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad namang isinugod ang biktima sa Hospital sa Batangas City para sa agarang lunas at gamutan.
Naaresto ang suspek ng mga rumespondeng miyembro ng Sector 3 ng Batangas CCPS. Narekober rin sa pinangyarihan ng insidente ang ginamit na armas—isang caliber .38 revolver na may anim (6) na basyong bala.
Ang suspek ay pansamantalang nakakulong ngayon sa Batangas CCPS habang inihahanda na ang kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong Frustrated Murder, paglabag sa COMELEC Gun Ban, at RA 10591 sa Office of the City Prosecutor sa Batangas City.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente upang alamin ang motibo ng krimen. | BChannel NEWS