Nabulabog ang STI-Tanauan Campus sa Batangas nitong Martes, April 22 matapos makatanggap ng umano’y bomb threat bandang 11:15 ng umaga.
Ayon sa Tanauan City Police Station (CCPS), nakatanggap sila ng tawag mula sa paaralan bandang 11:45 AM ukol sa natanggap na mensahe hinggil sa bombang diumano’y nakatago malapit sa male comfort room ng campus.
Sa panayam, sinabi ni School Program Head Fernan Panganiban na sunod-sunod na mensahe mula sa mga estudyante ang kanyang natanggap sa pamamagitan ng Messenger,.
Dahil sa pangamba sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani, agad na ipinatupad ang evacuation protocol at tumawag ng tulong mula sa pulisya at sa Explosive Ordnance Disposal (EOD) team.
Pansamantalang bakante ang buong campus habang nagsagawa ng clearing operations ang EOD at City Explosive and Canine Unit (CECU). Sa kanilang inspeksyon, kinumpirma ng mga awtoridad na walang natagpuang anumang pampasabog at idineklara na ligtas ang lugar.
Sa opisyal na pahayag ng STI Tanauan, tiniyak ng pamunuan na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa mga otoridad at ang kaligtasan ng buong komunidad ang kanilang pangunahing prayoridad.
“Let us all remain calm, vigilant, and united in prioritizing the safety and well-being of all,” saad ng pamunuan.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung may katotohanan ang banta at sino ang nasa likod nito. | BChannel NEWS