Patay sa pamamaril ng riding-in-tandem ang isang motorcycle rider kagabi, Abril 27, sa Tirona Highway, Barangay Habay 1, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa imbestigasyon ng Bacoor City Police Station (CCPS), pasado alas-sais ng gabi nang mangyari ang insidente.
Ang biktima, na nakilalang si Dennis, ay sakay ng isang puting motorsiklo at binabaybay ang direksyon patungong SM City Bacoor nang siya ay paulit-ulit na pinaputukan ng dalawang lalaki sakay ng isang scooter-type na motorsiklo.
Tinamaan ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan, dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa kanyang motorsiklo at bumagsak sa sidewalk.
Agad na rumesponde ang mga duty investigator sa pinangyarihan ng krimen para magsagawa ng paunang imbestigasyon.
Kabilang sa mga hakbang na isinagawa ng pulisya ang pagkalap ng mga CCTV footage mula sa mga kalapit na establisyemento, pag-request ng dragnet operation sa mga karatig lungsod at bayan, at paghingi ng tulong sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa teknikal na aspeto ng imbestigasyon.
Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa dalawang hindi pa nakikilalang suspek, na kapwa nakasuot ng helmet at jacket noong mangyari ang krimen.
Iniimbestigahan pa rin ang motibo sa pamamaril. | BChannel NEWS