Isang insidente ng pananaksak ang naiulat sa Seagate, Barangay Sahud Ulan, Tanza, Cavite dakong alas-12:00 ng hatinggabi ngayong Abril 29, 2025, na nagresulta sa pagkamatay ng isang biktima at pagkasugat ng isa pa.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Tanza Municipal Police Station (MPS), ang mga biktimang sina A-Jay at Joymar ay nilapitan ng mga suspek at pinagbintangang kaaway, dahilan upang sila ay bugbugin.
Sa gitna ng insidente, ang suspek na kinilalang si Ruel, ay biglang bumunot ng kutsilyo at pinagsasaksak ang dalawang biktima. Tinamaan si A-Jay sa kaliwang kilikili habang si Joymar naman ay nagtamo rin ng sugat sa parehong bahagi ng katawan.
Agad na isinugod sa pagamutan ang dalawang biktima. Sa kabila ng pagsisikap ng mga manggagamot, idineklara ring dead on arrival si A-Jay habang patuloy namang ginagamot si Joymar.
Bandang alas-2:30 ng madaling araw, naaresto ng mga rumespondeng pulis ang pangunahing suspek at dinala sa Tanza MPS. Sa pamamagitan ng follow-up operation, nadakip din ang iba pang sangkot sa krimen.
Kasalukuyan nang isinasapinal ng mga awtoridad ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng Tanza PNP upang matukoy ang buong detalye ng insidente. | BChannel NEWS