Isinusulong ngayon ni independent senatorial candidate Bam Aquino ang programang mabigyan ng P2,000 universal social pension kada buwan ang lahat ng senior citizen sa bansa upang magkaroon sila ng sapat na pantustos sa kanilang mahahalagang pangangailangan.





Sa kanyang pakikipag pulong sa mga Senior Citizen ng Legazpi, Albay nitong Linggo, sinabi ni Aquino na malaking tulong umano ang nasabing halaga para sa kanilang mga pangangailangan gaya ng gamot, damit, grocery, at regular check up.
“Malaking gaan na rin ito sa mga pamilyang may inaalagaang senior citizen dahil magagamit nila ang pera sa iba pang mahalagang bagay gaya ng pagkain, kuryente at iba pang bayarin,” ani niya sa kanyang pahayag.
Dagdag pa ni Aquino, plano rin niyang isulong na madagdagan pa ang halaga ng universal social pension, bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga senior citizen sa ating lipunan, kung sakaling siya ay mahalal sa senado.
Bukod dito, bilang bahagi ng kanyang Bicol Run, nakipagpulong din si Aquino sa mga lokal na opisyal at supporters sa lalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Catanduanes, at Masbate upang lalo pang palakasin ang suporta ng rehiyong Kabikulan para sa kanyang kandidatura sa nalalapit na halalan ngayong darating Mayo.
Noong 2019 senatorial elections, nanguna si Aquino sa Camarines Sur habang No. 2 naman sa Albay at Sorsogon, No. 3 sa Camarines Norte at Catanduanes, at No. 6 sa Masbate.
|Photo Courtesy: Team Bam Aquino | BChannel NEWS