Isang lalaki ang natagpuang wala nang buhay sa isang masukal na bahagi ng Sitio Ibabang Kanluran, Brgy. Payapa, Padre Garcia, dakong alas-7:00 ng umaga nitong Abril 30, 2025.
Ayon sa ulat ng Padre Garcia Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng tawag mula kay Brgy. Captain June P. Escalera bandang alas-8:40 ng umaga kung saan iniulat ang pagkakadiskubre sa katawan ng isang lalaki na nakahandusay, naka-underwear lamang, at wala nang buhay.
Agad na rumesponde ang mga imbestigador ng Padre Garcia MPS sa lugar ng insidente kasama si Dr. Andrew Jason Dikitanan Vallejo, M.D. ng RHU-Padre Garcia. Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang ang biktima, na kinilalang si Nanry, 58 taong gulang, ay huling nakita ng kanyang kinakasama noong gabi ng Abril 27, 2025 nang umalis ito upang makipagkita umano sa mga kaibigan sa kalapit na lugar. Simula noon ay hindi na ito nakauwi.
Nagkaroon ng masusing paghahanap ang pamilya matapos hindi makabalik ang biktima. Hanggang sa isang kapitbahay ang nakaramdam ng mabahong amoy sa lugar. Dito nila nadiskubre ang katawan ng biktima na nagsisimula nang mabulok.
Lumabas din sa paunang impormasyon na may iniindang sakit sa puso ang biktima at may kasaysayan ng mild stroke, dahilan upang pinaniniwalaang maaaring ito ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Gayunpaman, humingi na rin ng tulong ang mga awtoridad mula sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang magsagawa ng mas masusing imbestigasyon at teknikal na pagsusuri.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente upang matiyak ang tunay na sanhi ng kamatayan at upang isantabi ang anumang posibilidad ng foul play. | BChannel NEWS