Isang 16-anyos na binatilyo ang nasawi matapos malunod sa Balanak River (Kipot) sa Barangay Suba, Majayjay, Laguna nitong Martes ng hapon, Mayo 13, 2025.
Bandang alas-7:00 ng gabi nang makatanggap ng ulat ang Majayjay Tactical Operation Center mula sa Punong Barangay ng Suba ukol sa insidente ng diumano’y pagkalunod.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Majayjay Municipal Police Station (MPS) sa lugar at nagsagawa ng paunang imbestigasyon.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang ang biktima ay kasama sa isang grupo ng mga kabataan na nag-swimming sa ilog, kasama rin ang isang pari.
Ayon sa mga saksi, bandang alas-5:00 ng hapon nang biglang tumalon ang biktima sa malalim na bahagi ng ilog at nakita itong nalulunod.
Sinubukan umanong sagipin ng isa sa mga kasamahan ang biktima ngunit nabigo dahil sa malakas na agos ng tubig. Ilang residente ng barangay ang agad na rumesponde at nakuha ang katawan ng biktima mula sa ilalim ng ilog bandang alas-5:30 ng hapon.
Isinugod ang biktima sa Hospital ngunit idineklara itong Dead on Arrival.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Majayjay MPS upang alamin ang lahat ng detalye kaugnay sa insidente. | BChannel NEWS