Ipinaabot ni Senadora Loren Legarda ang taos-pusong pasasalamat sa mga botante ng Unang Distrito ng Batangas sa pagkakahalal ng kanyang anak na si Leandro Legarda Leviste bilang bagong kongresista.
Si Leviste, 32, ay nagtala ng pinakamalaking margin ng panalo laban sa isang incumbent congressman sa buong bansa, at may pinakamaraming boto sa kasaysayan ng Batangas para sa isang kandidato sa Kamara. Kilala rin siya bilang pinakabatang self-made billionaire ng bansa.
Ayon kay Legarda, ang tagumpay ng kanyang anak ay tagumpay ng buong distrito, at tiniyak niyang makakatamasa ang mga mamamayan ng tapat at makabuluhang serbisyo.
Layunin ni Leviste na paunlarin ang lokal na ekonomiya ng mga bayan ng Nasugbu, Lian, Calatagan, Tuy, Balayan, Lemery, Taal, at lungsod ng Calaca—ang mga lugar na binubuo ng Unang Distrito na itinuturing na isa sa mga pinaka-naaantalang lugar sa Batangas.
“Ang pangarap ko po ay sa darating na dekada, ang Unang Distrito ay maging isang modernong metropolis—ang Metro Batangas,” ani Leviste. | BChannel NEWS