Isang lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin ng di pa nakikilalang salarin habang pauwi sakay ng kanyang motorsiklo sa Brgy. Mambugan, Antipolo City, Rizal nitong Huwebes ng umaga, June 12.
Kinilala ang biktima na si Ronimar, 49-anyos, isang Liaison Officer at residente ng Marpas St., Brgy. Mambugan, Antipolo City.
Ayon sa ulat ng Antipolo City Police Station, bandang alas-7:50 ng umaga, Hunyo 12, sakay ng motorsiklo ang biktima pauwi sana sa kanilang bahay nang biglang sumulpot ang suspek at ilang ulit itong binaril gamit ang di pa matukoy na kalibre ng baril.
Matapos ang pamamaril, agad tumakas ang suspek lulan ng isang itim na motorsiklo at may suot na full-face helmet na may graphic design.
Ang insidente ay nai-report sa pulisya bandang 9:20 ng umaga matapos dalhin ang biktima sa Hospital, subalit idineklara rin itong dead on arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek. | BChannel NEWS