Nahuli ng mga pulis ang isang suspek sa kasong pagnanakaw sa isang vape shop sa Lipa City, Batangas habang ang kanyang kasamahan ay nakatakas at patuloy pang pinaghahanap.
Ayon sa imbestigasyon, nakatanggap ng abiso ang may-ari ng vape shop sa pamamagitan ng CCTV ng tindahan, kung saan nakita niya ang dalawang hindi kilalang lalaki na pumasok sa loob sa pamamagitan ng pagbutas at pagsira ng kisame.
Agad niyang ipinaalam sa Lipa Component City Police Station ang insidente.
Rumesponde agad ang mga pulis, ngunit nang hilingin nilang sumuko ang mga suspek, bumunot ng baril ang isa sa kanila at nagpaputok laban sa mga awtoridad.
Bilang tugon, napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok, na nagresulta sa pagkakasugat ng 24-anyos na suspek sa hita. Ang suspek, at residente ng San Pascual, Batangas, ay agad na dinala sa ospital para sa medikal na atensyon.
Ang isa pang suspek, na kilala sa “RJ,” ay nakatakas at kasalukuyang pinaghahanap.
Sa karagdagang imbestigasyon, napag-alaman na may mga nakabinbing kaso ang naarestong suspek, kabilang na ang kasong robbery at homicide sa Batangas at Bauan.
Pinuri ni PLTCOL Aleli Cuyan Buaquen, Officer-in-Charge ng Pulis Lipa, ang kanyang mga tauhan sa kanilang mabilis at mahusay na pagresponde sa insidenteng ito.