Arestado ang isang 33-anyos na lalaki matapos umanong magpaputok ng baril at magbanta sa Barangay San Felipe sa Cuenca, Batangas nitong April 18.
Kinilala ang suspek na si “Jun,” isang financial specialist at residente rin ng naturang barangay.
Ayon sa Batangas Provincial Police Office, nakatanggap ng tawag ang Cuenca Municipal Police Station kaugnay ng insidente ng putukan sa kahabaan ng national highway.
Agad rumesponde ang mga awtoridad at pagdating sa lugar, naabutan nila ang suspek na hawak pa ang baril na ginamit sa insidente. Narekober mula sa kanya ang isang 9mm pistol, mga magazine, bala, at mga basyong bala.
Sa imbestigasyon, posibleng may kinalaman din ang insidente sa grave threat o pananakot, bukod sa illegal discharge of firearm.
Naipaalam na sa suspek ang kanyang mga karapatan at kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
Ayon naman sa Batangas Police, patuloy nilang paiigtingin ang pagbabantay upang masigurong ligtas ang komunidad at mapanagot ang sinumang lalabag sa batas. | BChannel News