Dalawa lang sa 12 luxury cars na sakop ng search warrant ng Bureau of Customs ang nakita sa gusali ng St. Gerrard Construction sa Pasig City nitong Martes, September 2.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, binibigyan ng pagkakataon ang pamilya Discaya na magpaliwanag at magsumite ng dokumento sa mga sasakyan.
Giit ni Nepomuceno, seryoso ang ahensya sa paghanap sa nawawalang kotse at sisiguruhing makokolekta ang tamang buwis.
Babala rin niya, may parusa ang sinumang magtatago o magtatangkang ikubli ang mga ito.
Nagsimula na ang imbestigasyon ng BOC matapos mag-viral online ang mala-koleksyon ng mamahaling kotse ng pamilya Discaya.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inamin ng pamilya na may 28 silang luxury cars at pag-aari rin ng kanilang grupo ang siyam na construction firms na lumalahok sa mga proyekto ng DPWH.