Magkakaroon na ng green energy supply ang Taiwan Fructose Philippines matapos pumirma ng kasunduan ang Lopez-led First Gen Corporation.
Ayon sa kompanya nitong Huwebes, September 4, lilipat na sa renewable energy ang planta ng Taiwan Fructose Company Limited sa First Philippine Industrial Park sa Batangas.
Ang kuryente ay magmumula sa geothermal assets ng First Gen sa Bacon-Manito o Bac-Man complex sa Bicol, sa ilalim ng Green Energy Option Program.
Paliwanag ni Carlo Vega, Chief Customer Engagement Officer ng First Gen, malaking tulong ito sa pagsusumikap ng Taiwan Fructose na maging mas sustainable at mabawasan ang carbon footprint.
Aniya, ang geothermal ay kayang magbigay ng 24/7 stable power supply na bagay para sa mga industriyang mataas ang demand sa kuryente.
Ang Taiwan Fructose ay kilala sa paggawa ng glucose at fructose syrups at iba pang sweet additives at health supplements para sa export.
Sa kasalukuyan, may 28 renewable power plants ang First Gen na may kabuuang kapasidad na 1,600 megawatts mula sa geothermal, wind, solar, at hydro.
Bukod dito, inaasahan pa ng kumpanya ang dagdag na mga kliyente sa ilalim ng Retail Aggregation Program, kung saan mas maliliit na power users ay pwedeng magsama-sama para makapili ng kanilang electricity supplier. | BChannel News