Pinatigil ni South Korean President Lee Jae-myung ang 700 billion won o katumbas ng mahigit P28.7 billion na loan support para sa isang Philippine bridges project dahil umano sa posibleng katiwalian.
Sa kanyang Facebook post nitong Martes, sinabi ni Lee na pinahinto niya ang lahat ng proseso kaugnay sa nasabing proyekto matapos lumabas ang isang investigative report ng Hankyoreh 21.
Ayon sa ulat, layunin sana ng proyekto ang pagtatayo ng modular steel bridges sa 350 lugar sa Pilipinas—210 sa Luzon, 88 sa Visayas, at 53 sa Mindanao.
Batay sa ulat, noong Pebrero 2024 ay tinanggihan ng Ministry of Economy and Finance ang isang 7 trillion won o katumbas ng $5 billion civil engineering project dahil sa pangamba sa corruption at insolvency. Ngunit makalipas ang ilang buwan, ipinagpatuloy umano ang proyekto matapos ang pressure mula kay Rep. Kweon laban kay dating Finance Minister Choi Sang-mok.
Dagdag ni Lee, mabuti na lamang at hindi pa ito nasisimulan. Ang pondong gagamitin ay sana’y manggagaling sa South Korea’s Economic Development Cooperation Fund o EDCF.
Aniya, malaking kahulugan ang pagpigil sa posibleng pagkasayang ng bilyong-bilyong buwis ng mamamayan at sa pag-iwas sa katiwalian.
Pinuri rin ng Pangulo ang media, na aniya’y nagsilbing watchdog laban sa kapangyarihan at katiwalian.
Samantala, nilinaw naman ng Department of Finance ng Pilipinas na walang umiiral na ₱28 billion ODA loan sa pagitan ng dalawang bansa, at tiniyak ang kanilang pangako sa transparency at accountability sa lahat ng bilateral projects. | BChannel news