Isang 17-anyos na estudyante ang sugatan matapos barilin sa Sitio, Barangay Tango sa Padre Garcia, Batangas nitong Miyerkules, Setyembre 17, 2025.
Ayon sa Padre Garcia Municipal Police Station, isang concerned citizen ang tumawag sa himpilan ng pulisya alas-7:40 ng gabi upang ireport ang naturang insidente.
Agad na rumesponde ang mga imbestigador at mga miyembro ng patrol at intel team na pinangunahan ni Police Captain Bryan Gonzalo, Deputy Chief of Police, sa ilalim ng pamumuno ng ACOP.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang suspek na kinilalang si Emil, 47 anyos, welder, residente ng naturang barangay, at isang Sharon. Habang hinahabol ng suspek si Sharon, armado ito ng maikling baril at nang makarating sa isang eskinita, nagpaputok siya ngunit hindi tinamaan ang kanyang pakay.
Subalit, isang biktima na naglalakad pauwi, kinilalang si Marc, 17 anyos, estudyante at residente rin ng barangay, ang tinamaan sa kaliwang paa. Agad siyang dinala sa pagamutan sa Lipa City.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek sakay ng kulay asul na motorsiklo na walang plaka, suot ang puting sando at shorts, bitbit ang ginamit na baril. Gayunman, sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, naaresto rin ang suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng Padre Garcia Police para sa kaukulang kaso laban kay Emil. | BChannel News