Isang lalaki ang patay habang sugatan ang dalawang suspek sa umano’y pananaga sa Sitio Ophir, Barangay Sapang 1, Ternate, Cavite madaling araw ng Linggo, October 5.
Ayon sa report ng Ternate Municipal Police Station, bandang 6:00 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag tungkol sa natagpuang bangkay ng isang lalaki sa Ternate-Nasugbu Road.
Sa isinagawang initial investigation, lumalabas na bandang 12:30 A.M. ng parehong araw ay nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng biktima at ng dalawang suspek na nauwi sa pananaksak at pananaga.
Kinilala ang biktima na si a.k.a Robin, 53 anyos, na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Ang mga suspek naman ay nakilalang sina Rico, 31 anyos, isang buko vendor na tubong San Francisco, Quezon, at Geram, 40 anyos, tubong Liloan, Cebu. Parehong residente rin ng Barangay Sapang 1, Ternate.
Parehong nagtamo ng sugat sa ulo at mukha ang mga suspek at isinugod ng Ternate Rescue sa Cavite Municipal Hospital sa Maragondon, bago inilipat sa Trece Martires City para sa karagdagang gamutan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis at nakatakdang magsagawa ng crime scene processing at autopsy ang Provincial Forensic Unit. | BChannel news