Isang dalawang buwang gulang na baby na walang malay ang dinala sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Barangay Luciano, Trece Martires City, Cavite.
Ayon sa Trece Martires City Component City Police Station, bandang alas-10:30 ng umaga nitong October 5, nakatanggap ng impormasyon ang Trece Martires CCPS mula sa duty staff ng ospital na may isinugod na sanggol na wala nang pulso.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng duty pediatrician na ang sanggol ay dinala sa ospital ng kanyang ina dakong alas-7 ng umaga ng parehong araw. Napansin umano ng doktora na namumula at may mga pulang batik ang balat ng sanggol, at namamaga rin ang maselang bahagi ng katawan nito.
Dahil sa kahina-hinalang kondisyon, agad na humiling ang doktora ng autopsy upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng bata.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente. | BChannel news