Matagumpay na naaresto ng Nasugbu Municipal Police Station ang isang suspek sa pamamaril na naganap ngayong Lunes bandang alas-4 ng umaga, Oktubre 6 sa Barangay Catandaan, Nasugbu, Batangas.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Apolinario, 54 anyos, may asawa, at residente ng naturang barangay.
Ayon sa imbestigasyon ng Nasugbu Police Station, binaril umano ng suspek ang biktima na si Felix, 37 anyos, isang pintor at residente ng Brgy. Gumamela, Balayan, Batangas.
Habang naglalakad si Felix papunta sa bahay ng kanyang kapatid, biglang dumating ang suspek sakay ng puting motorcycle at pinaputukan siya nang walang anumang dahilan.
Tinamaan ang biktima sa kaliwang braso at sa tagiliran, at agad itong dinala sa Hospital para sa gamutan.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek dala ang baril na ginamit. Ngunit dahil sa agarang follow-up at dragnet operation ng Nasugbu Police, naaresto rin si Apolinario makalipas lamang ang labing-isang oras. Nakumpiska rin mula sa kanya ang isang caliber .45 pistol na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Ayon kay PLTCOL Aleli C. Buaquen, lumabas sa imbestigasyon na may alitan sa pagitan ng dalawa matapos umanong sigawan at hampasin ng kawayan ng biktima ang suspek. Aniya, posibleng depensa ng suspek ay self-defense. Pinaniniwalaan ding posibleng nasa ilalim siya ng impluwensiya ng droga nang mangyari ang insidente.
Nahaharap si Apolinario sa kasong Frustrated Homicide. Nabatid naman na ang biktima ay dati nang nakulong noong 2023 at nasangkot din sa kasong Grave Threats noong 2021. | BChannel news