Pinagbabaril ang isang lalaki ng dalawang suspek na nag-aabang sa madilim na bahagi ng daan sa Purok 1, Barangay San Gabriel sa Laurel, Batangas bandang 7:50 ng gabi, October 5.
Ayon sa imbestigasyon ng Laurel Municipal Police Station, naglalakad lamang sa barangay road ang biktima na kinilalang si Ardy, 28 anyos, isang welder, at residente ng nasabing lugar, nang bigla siyang pagbabarilin ng dalawang suspek.
Tinamaan sa kaliwa at kanang binti ang biktima. Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga salarin at bitbit ang ginamit na baril.
Agad na nagtungo ang biktima kasama ang kanyang mga kamag-anak sa Laurel MPS para ireport ang pangyayari, at dito ay positibong itinuro niya ang isa sa mga suspek.
Sa agarang aksyon ng mga pulis, nahuli ang isa sa mga salarin na nakilalang si Hospicio., alyas “Pisyong,” 65 anyos, residente rin ng Barangay San Gabriel. Naipabatid naman sa kanya ang kanyang karapatan sa oras ng pagkakaaresto.
Sa follow-up operation kasama ang 1st at 2nd Batangas Provincial Mobile Force Companies at SWAT ng Batangas PPO, nadakip din ang ikalawang suspek na si “Reynante,” 44 anyos, isang security guard na residente ng Brgy. Delas Alas, GMA, Cavite.
Narekober din sa bahay ng isa sa mga suspek ang isang Armscor .45 caliber na baril na walang serial number at may lamang isang bala. Isinumite na ito sa RCSU para sa beripikasyon at bilang ebidensya sa kaso.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong Frustrated Murder, habang may karagdagang kaso rin laban kay Hospicio sa paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay Ayon kay PLTCOL Atty., Aleli C. Buaquen, lumalabas sa imbestigasyon na ang ugat ng alitan ay dating away ng anak ng suspek laban sa biktima.| BChannel news