Arestado ang isang lalaki na kinilalang si Lex, 26 anyos, matapos umanong managa gamit ang bolo sa Purok 4, Barangay Balakilong sa Laurel Batangas nitong October 12, 2025.
Ayon sa Laurel Municipal Police Station, ang mga biktima ay sina Romualdo, 33 anyos, at ang kanyang ama na si Rom, 58 anyos—parehong residente rin ng nasabing barangay.
Base sa imbestigasyon, pauwi na mula sa bundok si Rom nang bigla siyang batuhin ng bote ng alak ng suspek na noon ay nag-iinuman sa kanilang bakuran.
Dahil dito, nagkaroon ng pagtatalo at dumating si Romualdo para awatin ang gulo.
Sa gitna ng komosyon, nadapa umano si Romualdo at dito kinuha ni Lex ang bolo mula sa baywang ng isa sa mga biktima. Agad nitong sinugod si Rom ngunit tinangkang awatin ni Romualdo. Sa halip, si Romualdo ang tinamaan ng bolo sa kaliwang braso.
Agad na isinugod sa pagamutan sa Talisay, Batangas ang sugatang biktima habang si Rom naman ay ligtas. Naaresto ng mga pulis si Lex at agad dinala sa Laurel MPS kung saan isinailalim siya sa karampatang proseso at mahaharap sa kaukulang kaso. | BChannel news