Isang 62-anyos na lalaki na kilala bilang “Bito” ang naaresto ng mga tauhan ng Laurel Municipal Police Station nitong Oktubre 12, 2025, matapos umanong patayin ang kanyang sariling asawa at saktan pa ang kanyang apo sa Barangay San Gabriel sa Laurel Batangas.
Batay sa imbestigasyon, bago ang insidente, humingi umano ng pera si “Bito” sa kanyang apo na si “Rich”, 13-anyos at isang grade 7 student. Ngunit nagalit ang kanyang asawa na si “Zen”, 62-anyos, na noo’y nasa bahay nila. Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa karahasan.
Ayon sa ulat ng pulisya, bigla umanong sinuntok, tinadyakan, at pinukpok ng kahoy ni “Bito” ang kanyang asawa. Nang tangkain namang tulungan ng bata ang kanyang lola, siya rin ay pinagsusuntok at pinalo ng monoblock chair.
Agad dinala sa Hospital sa Talisay, Batangas ang lola ngunit idineklarang dead on arrival bandang alas-8:35 ng gabi sa parehong araw.
Nahuli ng mga pulis si “Bito” at ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Republic Act 7438.
Kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng Laurel MPS habang inihahanda ang mga kasong Parricide at paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. | BChannel news